Pinay DH na may kanser sa Jeddah, humihingi ng tulong
03/03/2011 | 08:03 PM
JEDDAH – Isang 59-anyos na domestic helper (DH) ang nanawagan ng tulong upang maipagamot ang kanyang sakit na breast cancer at makauwi na sa Pilipinas para makapiling muli ang kanyang pamilya.Si Maria Socorro San Jose, tubong Bulacan, ay 20 taong ng nagtatrabaho bilang DH sa Saudi Arabia. Noong Hunyo 2010 ay natuklasan ang kanyang stage 3 breast cancer.
Dahil sa maselang karamdaman, nais ni San Jose na maituloy ang pagpapagamot at makabalik na sa Pilipinas para makasama ang kanyang pamilya na matagal na niyang hindi nakikita.
Ayon kay San Jose naging mabait naman sa kanya ang kanyang amo na tumulong para maoperahan siya at maalis ang bukol sa dibdib.
Makaraan ang operasyon ay kailangan pa rin siyang sumalang sa chemotherapy. Ngunit malaki umano ang gastusin sa naturang pagpapagamot at wala na siyang pangtustos.
Nahihiya na umano si San Jose na lumapit at humingi ng tulong sa kanyang amo dahil malaki na ang nagastos nito sa kanyang operasyon.
Kailangan pa umano ni San Jose na dumaan sa dalawang session ng chemotherapy na tinatayang aabutin ng 14,000 Saudi Riyals ang halaga ng bawat session.
“Tulungan niyo po ako. Gusto ko pang mabuhay at makauwi ng Pilipinas para makapiling ang aking pamilya," panawagan ni San Jose na maaaring makaugnayan sa 0551021307. – GMA News
Reposted From GMA News.TV